Tinukoy ni veteran journalist Charie Villa ang dahilan kung bakit nagpakamatay ang kanyang kapatid na isang opisyal sa Energy Regulatory Commission o ERC.
Ayon kay Charie, hindi kinaya ni ERC Director Francisco Villa Jr. ang pressure sa trabaho tulad ng hiring ng mga hindi naman kailangang consultants sa ahensya at pagpapalusot ng mga kontrata na hindi dumaan sa tamang proseso.
Idinagdag pa ni Villa na hindi rin kinaya ng kanyang kapatid ang ulat na baka mawalan siya ng trabaho dahil sa hindi pakikisama sa ilang mga tiwaling tauhan ng opisyal ng naturang ahensya.
Matatandaang noong Nobyembre 9, nagbaril sa sarili si Villa sa loob ng kanyang bahay sa Mervilla Park Subdivision sa Parañaque City kung saan ay mayroon pa itong iniwang suicide note.
Investigation
Iginigiit din ng pamilya ni Villa ang malalimang imbestigasyon sa mga anomalya sa ERC.
Una nang inihayag na pressure sa trabaho at pagsang-ayon sa mga anomalya sa ERC ang dahilan nang pagpapakamatay ng kapatid na si Director Francisco Jun Villa, pinuno ng Bids and Awards Committee ng ERC.
Sinisisi naman ni Villa ang ilang mataas na opisyal ng ERC sa pagpapakamatay ng kanilang kaanak.
Sinabi ng journalist na hindi naman magpapakamatay ang kanyang kapatid kung simpleng isyu lamang ang dahilan.
ERC Chief
Samantala, itinanggi naman ni ERC Chair Jose Vicente Salazar ang posibleng pressure umano kayat nagpakamatay ang isa sa kanilang opisyal.
Ayon kay Salazar, wala siyang matandaang pressure kay Director Francisco Jun Villa o anumang transaksyon ng ahensyang naipit ito.
By Meann Tanbio | Judith Larino