Maagang inabisuhan ni Manila Police District Director Brigadier General Rolando Miranda si Ermita Police Station Commander Lt. Col. Ariel Caramoan kaugnay sa dapat i-deploy na mga otoridad sa inaasahang pagdagsa ng tao sa artificial white sand area ng Manila Bay nitong nakalipas na weekend.
Sinabi sa DWIZ ni Miranda na sumunod naman si Caramoan subalit hindi sapat ang mga ipinadala nitong puwersa ng kapulisan para magsilbing crowd control sa area.
Ayon pa kay Miranda, hindi nagpakita si Caramoan sa lugar nang sumugod siya doon matapos ipaabot sa kanyang nagkakagulo na ang mga taong nais masilayan ang white sand area ng Manila Bay.
Siya na aniya ang nakiusap sa mga tao para umayos lalo na ‘yung mga nasa footbridge na talagang nagsiksikan makakuha lang ng larawan ng white sand area.
Ako na mismo ‘yung nag-manage, nakikipagtalo na ako doon sa mga tao na mag-social distancing, then I supervised the DENR, ‘yung mga taong nandodoon na sibilyan. ‘Yung mga tao sa bridge pinababa ko lahat ‘yan. So, I was waiting for him to come over, wala naman din sya. Ang dumating lang doon ay si Col. Salvador na aking Deputy for Operation to help me out. Nagbigay naman sya ng instruction sa mga tao nya kaya I decided to administratively relieved him for a while,” ani Miranda. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882