Kasalukuyang pinaghahanap ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at ng Philippine Army gayundin ang Philippine Airforce ang isang Beechcraft Baron 55 (BE55) trainer craft na napaulat na nawawala matapos itong mag-take off dakong alas-8:13 ng umaga kahapon sa San Jose Airport sa Occidental Mindoro.
Wala na umanong nakuhang impormasyon ang Orient Aviation Corporation na may-ari ng nabanggit na aircraft matapos itong mag-take off.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, ang naturang trainer craft na may registry number na RP-C9078 ay may sakay na isang Pilipinong piloto at isang Saudi Arabian national na isa namang student pilot.
Batay sa radar ng San Jose Airport, huling namataan ang naturang trainer craft dakong alas-8:23 ng umaga kahapon, 16nautical miles sa katimugang bahagi ng San Jose.
Nagsagawa na ng aerial search ang mga otoridad makaraang mawala na sa radar ang nabanggit na trainer carft.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng mga otoridad sa mga pinakamalapit na barangay sa naturang lugar upang mapabilis ang paghahanap sa nawawalang trainer aircraft.
with report from Raoul Esperas (Patrol 45)