Ikinakasa na ng Senado ang imbestigasyon kaugnay sa report ng human rights watchdog na Amnesty International (AI) na bumabatikos sa mga umano’y extrajudicial killings sa giyera kontra droga ng pamahalaan.
Sa panayam ng Karambola, ipinabatid ni Senador Francis “Chiz” Escudero na inihain na nila ang resolusyon para siyasatin kung ano ang naging basehan ng AI sa inilabas nitong ulat na “state-sponsored” ang “EJKs” sa bansa.
“Dahil kilala silang international organization, hindi maikakailang nadungisan ang pangalan ng ating bansa gayundin ng ating mga kababayan, marapat lang na patunayan at pakita nila upang sa gayun kung mapatunayan nga ay makagawa din kami ng hakbang upang maiwasan o mapigilan ito.” Ani Escudero.
Itinuturing ni Escudero na napakaseryosong alegasyon ang binitawan ng AI report kaya sasalain niya ng husto sa pagdinig ang bawat laman ng ulat.
“Nabasa ko ang report… 1 pulis ang di umano ang nagbayad ng P10,000 at P15,000 at 2 di umanong hitman na noon daw ay 1 kada 2 linggo lang ang trabaho nila, ngayon daw ay 3 o 4 kada linggo, sabi nga yun na ang negosyo nila ngayon, tapos biglang nilahat na nila…na lahat ng namamatay ay pinapapatay ng pulis at binabayaran ng pulis. Galing ba sa bulsa ng pulis ang pera? o galing sa pera ng gobyerno? kasi kung pera ng gobyerno yan puwes talagang state sponsored yan, at napakadelikado ng kanilang alegasyon na dapat lamang eh patunayan nila.” Dagdag ni Escudero.
Sinagot din ng senador ang pahayag ng AI na confidential ang mga sources nito na hindi basta-basta puwedeng iharap sa pagdinig ng Senado.
“Meron naman po kaming executive session, sana ginawa na rin nilang confidential ang report nila, ngayong isinapubliko nila may obligasyon silang patunayan yun. Hindi din nila puwedeng sabihin na wala silang tiwala sa Senado dahil nasa report mismo na kanilang inirekomenda na magpatuloy ang pagdinig ng Senado sa EJK”. Pahayag ni Escudero.
Kasabay nito, inihayag ni Escudero na posibleng maging bahagi rin ng senate inquiry kung saan nanggagaling ang pondo ng AI.
“Tiyak ko itatanong yan ng ilang kasamahan kong senador bagaman sa profile ng AI sinasabi nilang non-political sila at non-partisan. Ang gusto ko lang patunayan nila, at kung mapapatunayan nila nakahanda kaming makipagtulungan sa kanila, hindi puwedeng maglalabas sila ng report na sisirain ang imahe ng bansa at gobyerno, tapos ganun hindi sila magco-cooperate?, hindi ata tama yun.” Ani Escudero.
Inaasahan ni Escudero na kahit wala pang pormal na mensahe ang AI sa Senado ukol sa ikinakasang pagdinig ay tatayuan nito ang inilabas na ulat.
By Aiza Rendon | Credit to Karambola (Interview) Catch it weekdays 8:00-9:30 in the morning with Jojo Robles, Conrad Banal, Jonathan dela Cruz and Prof. Tonton Contreras
Photo Credit: senate.gov.ph