Nanawagan na si Senador Chiz Escudero sa pagbibitiw ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya.
Ito’y sa gitna ng mga kontrobersyang kinakaharap ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bunsod ng tanim-bala modus.
Ayon kay Escudero, malinaw na palpak ang pinuno ng Department of Transportation and Communications mula sa kalupaan hanggang sa himpapawid.
“Huwag nang hintayin pang magbitiw, bitiwan na ni Pangulong Aquino ang pinuno ng DOTC, dahil parang walang nagawang tama, isa-isahin natin, transportation and communications, unahin natin ang transportation, by air, by sea, by land and by rail. By air, airport ang pinakapangit sa buong mundo, ma-traffic ang airport at ngayon may tanim bala pa, by sea, import congestion na hanggang ngayon nandiyan pa at lalala pa yan pagpasok ng Pasko, by land, traffic sa Metro Manila gayundin sa iba’t-ibang syudad sa buong Pilipinas, by rail, hindi naman na siguro dapat pahabain pa kung gaano kapalpak ang MRT sa ngayon.” Ani Escudero.
Kahit anya sa komunikasyon ay palpak si Abaya na magpatupad ng mga reporma o pagbabago.
“Pagdating naman sa lisensya ganun din walang plaka, walang sticker, walang ID card, pag-usapan naman natin ang communication, napakasama na din ng serbisyo ng telco ngayong sa ating bansa at pangalawa tayo sa pinakamabagal na internet speed sa buong Asya, ano ang nagawa sa loob ng 5 taon diyan sa DOTC?, kaya parang lahat ay sumasabog at pumuputok.” Pahayag ni Escudero.
By Drew Nacino | Cely Bueno (Patrol 19)