Nagtatanong at curious lamang si Senador Chiz Escudero kung bakit hindi kasama sa mga kinasuhan si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya sa mga pinakakasuhan ng Ombudsman kaugnay ng anomalya sa Metro Rail Transit (MRT).
Matatandaang nahaharap sina dating General Manager Al Vitangcol III at 5 iba pa dahil sa pinasok na maintenance contract ng MRT-3.
Ayon kay Escudero, tipikal sa lahat ng malalaking kontrata ng gobyerno na may approval ang head of agency nito.
“Well, typical naman lahat ng kontrata lalo na yung malalaking kontrata at pinakamalalaking problema palaging kasama at may approval ang head of agency, sa kasong ito, DOTC Secretary.” Pahayag ni Escudero.
Samantala, naiintindihan ni Senator Chiz Escudero kung bakit tikom pa ang bibig ni DOTC Secretary Jun Abaya kasunod ng rekomendasyon ng Ombudsman na makasuhan ang ilan sa mga tauhan nito kaugnay sa maanomalyang kontrata sa MRT-3.
Ayon kay Escudero, ito ay dahil nag nagkasabay sabay ang mga isyung kinahaharap ng DOTC gaya ng paglubog ng motor banca sa Ormoc at ang pagbagsak ng chopper sa Batangas.
Ngunit sa huli ay kailangan pa rin aniyang harapin ni Abaya ang mga akusasyon na ibinabato dito.
Una nang kinuwestyon ni Escudero at Senator Grace Poe kung bakit si dating MRT General Manager Al Vitangcol lamang ang kinasuhan kaugnay sa pinasok na kontrata.
“Kung may kailangang yugyugin, dapat yugyugin para mapakita at mapatunayan yung tuwid na daan na isinusulong ni Pangulong Aquino, na hindi lang si Pangulong Aquino ang nagpapatupad nito kundi bawat isang miyembro ng kanyang administrasyon o gabinete.” Dagdag ni Escudero.
By Mariboy Ysibido | Rianne Briones| Kasangga Mo Ang Langit