Dismayado si Lt. Col. Jovie Espenido sa kanyang mga superiors sa Philippine National Police (PNP) matapos na lumabas pa rin ang kanyang pangalan sa ‘narco list’ na di umano’y galing mismo sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam, sinabi ni Espenido na bunga ito ng kabiguan ng intelligence gathering ng PNP.
Ayon kay Espenido, nasama ang kanyang pangalan sa ‘narco list’ noong 2016, ilang buwan matapos maupo sa Malacañang ang Pangulong Duterte, subalit, tinanggal na dapat anya ito matapos lumabas sa verification na hindi sya sangkot sa kahit anong anomalya lalo na sa illegal drugs.
Kumbinsido si Espenido na mayroong bumulong sa kanyang superiors para maibalik sya sa listahan at mailabas ito sa publiko.
Hindi itinago ni Espenido ang pagkadismaya kay PNP chief General Archie Gamboa na nabigo anyang i-verify muna ang mga impormasyon bago sya sinibak sa kanyang puwesto.
Ikinagulat anya nya ang pagpapatawag sa kanya sa Camp Crame noong ika-7 ng Pebrero kaalinsabay ng pagsibak sa kanya bilang deputy chief ng Bacolod City Deputy Chief for Operations. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)