Pinahaharap ng Department of Justice ang hepe ng Ozamiz City PNP na si C/Insp. Jovie Espenido at iba pa sa isasagawang prelimenary investigation sa mga ito sa Agosto 15 at 22.
Ito’y may kaugnayan sa kasong murder na isinampa laban kina Espenido bunsod ng pagkakapatay sa tinaguriang Ozamiz 9 at pagkaka-aresto sa iba pa nang magsagawa sila ng routine operations nuong Hunyo.
Magugunitang ikinasa ng grupo ni Espenido ang nasabing operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Ozamiz PNP at ng Provincial Police Safety Company makaraang makatanggap ng sumbong hinggil sa umano’y pamamaril at panghoholdap ng isang grupo sa mga barangay Cabinti at Balintawak sa nasabing lungsod.
Kinilala ang mga nasawi na sina Francisco at Jerry Manzano, Joel Espina Mira, Romeo Libaton, Lito Manisan, Alfie Mahusay, Anjun Simene at Consorcio Rubio Sr.
Habang arestado naman sina Laureto, Carmelita at Janice Manzano, Jonner Libatug, Monaliza Ugmad at isang PO2 Hinoctan kung saan nakuha ang iba’t ibang kalibre ng armas gayundin ng mga pampasabog.