Kumpiyansa si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na magiging patas sa lahat ang nagpapatuloy na adjudication at validation ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga kabaro.
Ito’y sa harap na rin ng paglutang ng ilang mga pangalan tulad ni P/Ltc. Jovie Espenido na ibinibilang sa 357 na mga pulis na sangkot umano sa illegal na droga.
Ayon kay Año, bagama’t bunga ng intellegence gathering ang nasabing listahan, mahalaga pa rin na maisailalim ito sa validation at imbestigasyon upang mapatunayan ang mga impormasyong nakapaloob dito.
Kaya tama lang aniya ang pananahimik nila PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa at Espenido upang mabigyang laya ang gumugulong na imbestigasyon at maiwasan itong mabahiran ng anumang kulay.
Paglilinaw pa ng kalihim, hindi aniya nangangahulugan na nakasama si Espenido sa listahan ay napatunayang guilty na ito sa illegal na droga. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)