Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo City.
Ayon sa Pangulo, alam ni Espenido ang batas at masigasig aniya itong tao lalo na sa pagpapatupad ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ito aniya ang dahilan kaya’t buo ang kanyang suporta kay Espenido .
Binigyang diin pa ng Pangulo na nararapat lamang na magamit sa ibang lugar ang galing ni Espenido.
Matatandaang binansagan ni Pangulong Duterte bilang “shabulized city” ang Iloilo City habang kabilang naman si Iloilo Mayor Jed Patrick Mabilog sa ‘narco list’ ng Punong Ehekutibo.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
Gayunman, pinaalalahanan ng Pangulo si Espenido na sumunod sa proseso ng mga police operations.
Si Espenido ang hepe ng Albuera Police nang maaresto ang noo’y Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga at kalauna’y napatay naman sa isang police operation sa kulungan nito sa Baybay City, Leyte noong 2016.
Matapos nito ay inilipat naman si Espenido sa Ozamiz City noong December 2016.
Makalipas ang ilang buwan, napatay naman sa isang drug raid ang Mayor ng Ozamiz na si Mayor Reynaldo Parojinog at 15 iba pa.
Pinanindigan nito na ang mga Parojinog umano ay may koneksyon sa illegal drug trade.
Una na ring itinanggi ni Espenido ang anumang iregularidad sa mga ikinakasang drug operations sa mga nasasakupang lugar.
By Ralph Obina / AR