Isang malaking ‘bakit’ ang reaksyon ni Albuera, Leyte Police Director Chief Inspector Jovie Espenido sa pag-absuwelto ng Department of Justice (DOJ) sa drug charges kina Kerwin Espinosa, Peter Lim at dalawampung (20) iba pa.
Sinabi sa DWIZ ni Espenido na posibleng hindi mabigat ang mga naihaing ebidensya laban sa mga suspected drug lords kaya’t nabasura ang nasabing kaso.
“Bakit ang tanong ko kaagad, bakit kaya, ang prosecution office naman ay ang nag-evaluate lang ng mga ebidensya na ibinigay sa kanila galing sa mga leading agencies para matimbang at makitaan ng probable cause to file a case, responsibility ng concerned agencies na makalikom ng sapat na ebidensya para matuloy ang kaso, sa tingin ko hindi sila nakapagbigay nang ganung evaluation.” Ani Espenido
Iginiit ni Espenido na malakas ang mga ebidensya niya laban sa batang Espinosa lalo na’t nagsilbing star witness sa kaso ang driver right-hand man nitong si Ador Co.
Gumugulong na aniya sa korte sa Maynila ang mga kasong isinampa niya laban kay Kerwin matapos niyang pangunahan ang operasyon laban dito.
Ayon kay Espenido, malaking ebidensya rin ang pag amin mismo ni Kerwin sa pagdinig ng Senado na isa siyang drug lord.
“Wala akong alam kung bakit nagkaganun samantalang ang affidavit ni Ador Co na siya talaga kasi ang vital witness natin na magpapatotoo na may naging transactions, kung sakaling ma-dismiss si Peter Lim bakit hindi niya ginawa ‘yung transcript ni Kerwin na inamin niya mismo sa Senado na he is a drug lord, hindi ginamit, kaya nakulangan ang prosecution na magtimbang talaga na may probable cause sa kaso ni Kerwin.” Pahayag ni Espenido
(Ratsada Balita Interview)