Hindi natatakot si Iloilo City Mayor Jed Mabilog sakaling italaga ang tinaguriang “Drug Lord Killer” na si Chief Inspector Jovie Espenido, kasalukuyang hepe Ozamiz City police.
Ayon kay Mabilog, mas mainam nga kung maitalaga sa kanilang lungsod si Espenido upang makita nito ang ginagawang hakbang ng city government sa kampanya nila kontra iligal na droga.
Binigyang diin ng alkalde na wala siyang dapat ipangamba dahil wala naman siyang kaugnayan sa operasyon ng iligal na droga.
Nauna rito, inihayag ni Espenido na nais nitong hawakan ang Iloilo city kung mabigyan ng pagkakataon.
Si Mayor Mabilog ay isa sa mga alkalde na tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y protektor ng droga bagay na itinanggi naman ng alkalde.