Ibinunyag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang mga anya’y underground organizations na kumokontrol sa mga legal organization tulad ng Alliance of Concerned Teacher, Courage, Gabriela, Anakpawis at iba pang makakaliwang grupo.
Ayon kay Esperon, hindi nya sinasabing komunista o terorista ang mga miyembro ng mga left-leaning organizations subalit mayroon anyang underground movement na kumokontrol sa mga ito.
Halimbawa anya ay ang Alliance of Concerned Teachers na ang underground organization ay ang Kalipunan ng Gurong Makabayan, ang migrante anya ay Legal Front ng Confederation of Migrant and Patriotic Filipinos, Kabataang Makabayan na underground organization ng League of Filipino Students (LFS), Anakbayan, Kabataan Party-list at College Editors Guild of the Philippines, ang Malayang Kilusan ng Malayang Kababaihan na kumokontrol anya sa Gabriela at ang Makabayan Kawaning Pilipino para sa naman sa grupong Courage.
Hindi rin nakaligtas kay Esperon ang National Union of Peoples’ Lawyers na anya’y kontrolado ng Lupon ng mga Manananggol para sa Bayan.
Hindi natin sinasabi na ‘yung National Union of Peoples’ Lawyers are members of the communist party, pero, may mga miyembro sa kanila na nagkokontrol sa organisasyon na kasapi sa Communist Party of the Philippines. Sa LFS, ‘yung mga kabataan, either mapunta ‘yan sa Gabriela Youth o Kabataan o LFS, pagkatapos, doon ang recruitment ngayon habang tumatagal ay mapupunta na na regular,” ani Esperon.
Ang pahayag ay ginawa ni Esperon bilang suporta kina Southern Luzon Command Commanding General, Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na syang spokesman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy.
Naging kontrobersyal sina Parlade at Badoy dahil sa di umano’y pag-red tag sa mga kilalang personalidad at mga makakaliwang miyembro ng kongreso.
Ayon kay Esperon, nakahanda syang humarap sa isang debate sa telebisyon upang idepensa ang lohika ng mga ginagawa nina Parlade at Badoy.
‘Yan din ang hamon ni General Parlade t’yaka ni Usec. Badoy na mag-debate tayo in the open at ilabas natin kung ano ang findings natin. Ngayon lang kasi mangyayari na mayroon tayong mga spokespersons na ganito, na talagang nagsasabi ng totoo, at kailangan talaga magising na ang buong bayan, ano ba ang gusto natin? Palalawigin ba natin itong 52 years ng CPP-NPA na ginugulo tayo? O gusto na nating wakasan ito?” ani Esperon.