Bahagyang nabulabog ang operasyon ng Estancia Freeport sa Iloilo.
Ito ay matapos makita ng mga otoridad ang isang bagahe na sinulatan ng mga katagang “may bomba” sa barko NMA MBCA M-Star II.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng Coast Guard Substation Estancia, Philippine National Police o PNP Explosives Ordinance Detection at Philippine Army K-9 Team.
Lumalabas sa ulat na ang nasabing bagahe ay iniwan ng isang hindi nagpakilalang pasahero sa isa sa JGA crew ng barko at sinabing ibigay ito sa kapitan ng barko.
Isang Boboy Nojalda na recipient umano ng bagahe ang nakasulat sa labas ng paper bag.
Sinuspindi ang operasyon ng terminal para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero bago sinuri ang bagahe at ininspeksyon din ang buong barko.
Natuklasan namang limang cellphone units ang laman ng paper bag na nakatakdang ipadala sa Masbate City.