Ang kwento na ito ng dalawang lalaki, tila isang halimbawa ng kasabihan na, “Kung gaano mo kabilis nakuha, ganoon din kabilis mawawala.” Paano ba naman kasi, walang kahirap-hirap na nakapagnakaw ang mga ito pero caught in the act na pala.
Ang buong kwento, eto.
Katulad ng ibang mga nabibistong kawatan, nabuking din sa CCTV ang ginawang krimen ng dalawang lalaki na ito sa England nang isang gabi ay manghimasok sila sa isang market stall.
Nang lumabas mula sa loob ng tindahan ay bitbit na ng isa sa mga lalaki ang estatwa ng isang gorilla.
Tuluy-tuloy lang na lumabas mula sa establishment ang dalawa at dinala ang ninakaw na estatwa sa tinutuluyan nila sa Durham.
Ang kaso lang, hindi alam ng dalawa na ang inaakala nilang smooth-sailing na pagnanakaw nila ay sinusundan pala ng isang CCTV operator mula sa Darlington Borough Council.
Dahil dito ay agad na natunton ng mga otoridad ang mga kawatan na itinanggi pa ang ginawa nilang panloloob at pangnanakaw.
Bukod pa riyan, kung gaano kabilis naiuwi ng mga lalaki ang estatwa, ganoon din sila kabilis nahuli. Paano ba naman kasi, tatlong minuto lang ang tinagal bago sila nahanap ng mga pulis.
Nabawi naman ng pulisya ang dinekwat na gorilla at naibalik na rin sa tindahan.
Samantala, inaresto na ang mga lalaki at sasampahan ng kasong burglary.
Ikaw, anong masasabi mo sa literal na mabilis na pangyayari na ito?