Idinipensa ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa mga kumukwestyon sa kalusugan nito.
Matatandaang halos isang linggong nanahimik at hindi naging visible ang Pangulo na nagbunsod naman sa ilang ispekulasyon na may matindi itong sakit.
Ayon kay Estrada, dapat lamang na bigyan ng panahon na mag – isa ang Pangulo dahil mahirap ang trabaho nito bilang ama ng bansa.
Aniya, posibleng nagpahinga lamang ang Pangulong Duterte at nag-iisip kung paano muling maibabalik ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Inalala pa ni Estrada na maging siya ay nahihirapang matulog at hindi mapigilan ang pag-iisip kapag may namamatay na sundalo noong magdeklara siya ng all-out war laban sa MILF o Moro Islamic Liberation Front taong 2000.
By Rianne Briones