Nag-negatibo sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV-ARD) ang grade 12 student ng University of the East (UE) na unang inimbestigahan dahil sa posibilidad ng pagkakaroon ng nabanggit na sakit.
Sa isang pahayag, sinabi ni UE president Ester Garcia, nagpakonsulta sa klinika ng unibersidad ang nabanggit na estudyante nang magkaroon ito ng ubo matapos bumiyahe ng Hong Kong noong Chinese New Year.
Agad naman aniya itong dinala sa UE Ramon Magsaysay Memorial Hospital para ma-obserbahan at makuhanan ng sample na ipinadala naman sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Sinabi ni Garcia, ngayong weekend lamang lumabas ang resulta ng test sa estudyante kung saan negatibo ito sa nCoV at dumaranas lamang ng upper respiratory tract infection at allergic rhinitis.
Tiniyak naman ni Garcia na agad na ipinagbigay alam sa mga kaklase ng estudyante ang posibilidad ng kontaminado ng nCoV ang kanilang silid aralan kaya’t nagsagawa rin ng general cleaning at disinfection sa buong UE campus.