Patay ang isang first year student matapos umanong maging biktima ng isang fraternity sa University of Santo Tomas o UST.
Kinilala ang biktima na si Horacio Tomas Castillo III, 22-anyos at kumukuha ng kursong Law sa UST.
Kuwento ng amang si Horacio Castillo, Jr., Sabado nang magpaalam ang anak na dadalo ito sa welcome rites ng sinalihang Aegis Juris Fraternity, isang lehitimong fraternity sa loob ng nasabing unibersidad.
Ngunit lumipas na umano ang magdamag ay hindi pa rin umuuwi si Horacio III.
Ala-1:00 kaninang umaga nang makatanggap umano ang pamilya na nasa Chinese General Hospital ang kanilang anak.
Dito positibong kinilala ng mga magulang ang bangkay ng kanilang anak na tadtad ng pasa at mga marka ng kandila sa iba’t ibang bahagi ng katawan, indikasyon na posible itong isinailalim sa hazing.
Batay sa salaysay ng nurse ng ospital, isang Chinese national ang nagmagandang-loob na dalhin sa ospital ang biktima, matapos itong makita sa bangketa sa bahagi ng Balut, Tondo.
Nanawagan naman ng hustisya ang pamilya Castillo sa pamunuan ng Aegis Juris Fraternity, at ng UST Faculty of Civil Law upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang panganay na anak.
‘Castillo pinahirapan’ –autopsy report
Tadtad ng pasa sa katawan, mga patak ng kandila sa braso at sobra-sobrang pagpapahirap.
Ganito isinilarawan ng Manila Police District Crime Lab ang bangkay ni Horacio Tomas Castillo III matapos itong i-autopsiya dahil sa mga senyales na ito ay biktima ng hazing.
Ayon kay Dra. Milagors Pobrador ng MPD Crime Lab, bumigay ang puso ni Castillo sa naranasang mga pagpapahirap dahilan upang ito ay bawian ng buhay.
Hindi naman matanggap ng magulang ni Castillo ang sinapit ng anak sa kamay ng sinalihan nitong fraternity sa University of Santo Tomas.
Ayon kay Horacio Castillo Jr., ama ng biktima, tiniyak sa kanila ng anak na walang hazing sa Aegis Juris Fraternity at tapos na rin ito sa initiation rites.
Dahil dito, nanawagan ang pamilya Castillo na sumuko na ang mga suspek na sangkot sa pagkasawi ng kanilang anak.
Samantala, wala pa ring inilalabas na pahayag ang nasabing unibersidad sa nangyaring insidente.
(Ulat ni Aya Yupangco)
“UST investigates”
By Judith Larino
Iniimbestigahan na ng UST o University of Santo Tomas ang kaso ng 22-anyos na first year Law student na si Horacio Tomas Castillo III na nasawi dahil umano sa hazing.
Ipinabatid ito ni UST Public Affairs Head Giovannie Fontanilla na nagsabing kaagad silang magpapalabas ng official statement kapag natapos na ang sariling imbestigasyon nila.
Magugunitang isang concerned citizen ang nakakita sa labi ni Castillo sa H. Lopez Boulevard at Infanta St. sa Balut, Tondo, kahapon.
Isinugod pa sa Chinese General Hospital si Castillo subalit idineklara itong dead on arrival.
READ: UST’s Official Statement
LOOK: In a statement, UST condemned the alleged hazing incident and said it is launching an investigation on the matter. pic.twitter.com/jd639v0LuM
— The Varsitarian (@varsitarianust) September 18, 2017