Ang graduation ang pinakamasayang seremonya na nararanasan hindi lamang ng mga estudyante, kundi ng kanilang proud na pamilya.
Ngunit lungkot ang bumalot sa isang graduation ceremony sa Lapu-Lapu City College dahil hindi nakaakyat sa stage ang cum laude na si Michael “Kikil” Alcoseba, 23-anyos.
Sa halip, ang nanay at lola niya ang tumanggap ng award at diploma, bitbit ang kanyang litrato.
Nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Tourism Management si Kikil, ngunit ilang araw lamang bago ang pinakahihintay niyang graduation, sumakabilang-buhay siya dahil sa sakit na pneumonia.
Nang tawagin ang kanyang pangalan sa seremonya, napaluha na lamang ang mga guro, mga estudyante, mga magulang, at maging ang mayor ng Lapu-Lapu City.
Bagamat abala siya sa pagiging working student at dance performer upang suportahan ang sariling pag-aaral, nagawa pa rin ni Kikil na makakuha ng isa sa mga pinakamataas na academic rank.
Ayon sa kapatid niyang si Juliet Hiyas, mahirap para sa kanilang dumalo sa seremonya dahil nagtapos ang mga ka-batch ni Kikil nang wala siya.
Gayunman, pamilya man niya ang pinakamalungkot, sila pa rin aniya ang naging pinaka-proud sa ginanap na graduation.