Ang graduation ng sariling anak ang isa sa mga pinakahihintay na pagdiriwang ng isang magulang. Kaya kadalasan, inaalay ng mga anak ang kanilang graduation song sa mga proud na magulang bilang pasasalamat sa kanilang naging sakripisyo.
Ganito mismo ang ginawa ng isang paaralan sa Bohol para sa kanilang moving up ceremony.
Ngunit nang lumapit ang mga estudyante sa kanilang mga magulang upang yumakap at magpasalamat, mag-isang naiwan sa kanyang kinatatayuan ang 16-anyos na si Carl Dionne.
Dahil wala siyang kasama sa seremonya, tahimik na lamang siyang napaluha.
Laking gulat niya nang mayroong isang guro na yumakap sa kanya.
Ilang saglit lang, dinamayan siya ng iba pang mga guro.
Mas naging emosyonal ang binatilyo nang lapitan siya ng kanyang mga kaklase upang makisimpatya.
Isang araw bago ang moving up ceremony, isinugod sa ospital ang bunsong kapatid ni Carl.
Pupunta naman sana ang kanyang tiyahin at lola, ngunit sa kasamaang-palad, lumakas ang ulan at na-flat ang gulong ng kanilang sinasakyang motorsiklo.
Ang mga ito ang dahilan kung bakit walang kasama si Carl.
Nang mapanood ang video ng umiiyak na anak, napaluha na lang din ang kanyang ina. Naawa siya sa anak at nadurog ang kanyang puso dahil matagal niya iyong hinintay.
Naintindihan naman ni Carl ang sitwasyon dahil alam niyang mahalaga ang kanyang bunsong kapatid at mahal na mahal niya ang kanyang ina.
Wala man siyang nakasama sa kanyang graduation, naiparamdam naman ng mga nagmamahal sa kanya na hindi siya nag-iisa.