Ang pagmamartsa at pagtanggap sana ng diploma ng isang babaeng estudyante sa Maguindanao, hindi na matutuloy pa kahit kailan matapos itong aksidenteng bawian ng buhay habang papunta sana sa kaniyang graduation practice.
Ang buong kwento, eto.
Dahil graduation season na, sunud-sunod nang nagsusulputan ang iba’t ibang mga kwento ng pagtatapos ng mga estudyante, kadalasan ay masaya o di naman kaya ay emosyunal ang mga ito.
Pero ang kwento na ito ng isang babae mula sa Barangay Balungis, Pagalungan, Maguindanao na ga-graduate na sana ay hindi na matutuloy pa.
Habang papunta kasi ang hindi pinangalanang estudyante sa kaniyang graduation practice, tinangay ito ng malakas na agos ng tubig sa ilog na kaniyang tinatawiran.
Sa pamamagitan ng search and rescue operations, natagpuan ang wala nang buhay ng babae makalipas ang ilang oras.
Sa halip na mag-celebrate dahil sa educational achievement sana ng dalagita, napalitan ito ng lungkot at pangungulila ng kaniyang pamilya.
Excited pa man din daw ang babae, lalo na at ilang araw na lang ay magtatapos na sana siya.
Samantala, nagbigay naman ng paalala ang kanilang lgu na magdoble ingat sa pagtawid sa ilog lalo na sa tuwing umuulan.
Ikaw, ano ang masasabi mo sa nakapanghihinayang na kwento ng dalagitang ito?