Patay ang 25 anyos na student pilot matapos bumagsak ang minamaniobrang tecnam P-200 aircraft sa Barangay Urayong bayan sa Bauang, La Union.
Ayon sa operations and rescue coordination center ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang estudyante na mula sa first aviation academy sa Subic bay international airport ay nagsasagawa ng solo cross country flight.
Batay sa flight plan ang nasabing aircraft na may registry number na RP-C8230 na nagmula sa Iba airport sa Zambales at patungong La Union airport at Lingayen airport bago bumalik ng Iba airport.
Ipinabatid ng Philippine coastguard na ang biktima ay kaagad isinugod sa Caba Municipal Health Office kung saan ito idineklarang patay at ngayo’y nasa Mapanao Funeral Service sa bayan ng Aringay.
Ilang debris ng aircraft ay nakuha ng mga otoridad sa halos tatlong daang Metro ang layo mula sa pampang.
Ipinadala na ng CAAP ang mga imbestigador nito mula sa aircraft accident investigation and inquiry board para imbestigahan ang nasabing aksidente.