Isinumite na ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon ang ethics complaint laban kay Senator Antonio Trillanes.
Mag-a-alas 8:00 na kagabi nang i-file ni Gordon ang reklamo na ibinatay sa “unparliamentary act at unparliamentary language” ni Trillanes matapos ang kanilang sagutan sa nakalipas na pagdinig ng Blue Ribbon Committee na nakaapekto aniya sa Senado at publiko.
Nakasaad din sa ethics complaint na tungkulin ng mga senador na ipakita sa publiko na ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay “kagalang-galang” na institusyon dahil kinabibilangan ito ng mga halal na mambabatas kaya’t dapat na tinatalakay ang mga usapin alinsunod sa rules.
Ipinunto ni Gordon sa complaint na malinaw sa konstitusyon na binibigyang otorisasyon ang Senado at Kamara na parusahan ang mga miyembro nito na magpapakita ng “unparliamentary act” sa kanilang tungkulin.
Samantala, bibigyan lamang ng Senado ng ilang araw si Senador Antonio Trillanes para sagutin ang inihaing ethics complaint ni Senador Richard Gordon laban sa kanya.
Ayon kay Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, matatanggap na ngayong araw ni Trillanes ang ethics complaint makaraang maisumite ni Gordon ang reklamo kagabi.
Sinabi ni Sotto, nakatakdang magpulong sa darating na Lunes ang ethics committee upang talakayin ang mga nakabinbing ethics complaint kabilang na ang reklamo laban kay Trillanes.
Samantala iginiit ni Trillanes na wala siyang ‘unparliamentary’ o ‘unethical’ na ginawa sa gitna ng bangayan nila ni Gordon sa nakalipas na pagdinig kaugnay sa paglusot ng 6.4 bilyong pisong halaga ng shabu shipment sa Bureau of Customs.
By Drew Nacino / (Ulat ni Cely Bueno) / Arianne Palma
SMW: RPE