Ibinasura ng Senate Committee on Ethics ang reklamong inihain ni dating Customs Chief Nicanor Faeldon laban kina Senador Panfilo Lacson at Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Senate Majority Floor Leader at Committee on Ethics Chairman Tito Sotto, napagpasyahan nilang ibasura ang reklamo dahil wala aniya itong basehan.
Gayundin, ibinasura rin ng komite ang tatlong ethics complaint na inihain naman laban kay Senadora Leila de Lima dahil walang nilabag na anumang rule sa Senado ang senadora at may pending pa itong kaso sa korte.
Gayunman, sinabi ni Sotto na maaari pa rin itong i-refile o muling isampa sa hinaharap.
‘Lower House’s next step’
Samantala, pag-aaralan pa ng House Committee on Justice kung maghahain ng motion for reconsideration sa Senate Committee on Ethics.
Kasunod ito ng pagbasura sa kanilang isinampang ethics complaint laban kay Senadora Leila de Lima.
Ayon kay House Committee on Justice Chairman Rey Umali kanila munang hihintayin ang kopya ng committee report mula sa Senado.
Kaniya ring hihingan ng opinyon sina House Speaker Pantaleon Alvarez at House Deputy Speaker Rodolfo Fariñas para sa kanilang susunod na hakbang.
Magugunitang inihain ng House Committee on Justice ang Ethics Complaint laban kay De Lima matapos umano nitong harangin ang pagdalo ng kanyang dating driver na si Ronnie Dayan sa pagdinig ng Kamara hinggil sa bentahan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison.
(Ulat nina Cely Bueno at Jill Resontoc)