May nakita umanong basehan ang Senado para ituloy ang imbestigasyon sa mga reklamo laban kay Senator Leila de Lima sa ethics committee.
Ito’y may kaugnayan sa sinasabing pagpigil ni De Lima sa kanyang dating karelasyon na si Ronnie Dayan na dumalo sa House Inquiry sa illegal drug trade sa Bilibid.
Ayon sa Senate Ethics Committee, ang dalawa sa limang reklamo laban kay De Lima ay “sufficient in form and substance.”
Matatandaang inihain ang mga nasabing ethics complaint nina House Speaker Pantaleon Alvarez at isang Atty. Abelardo de Jesus.
Ang committee hearing ay pinangunahan ni Sotto at dinaluhan din nina Senators Panfilo Lacson, Gringo Honasan, Franklin Drilon, Risa Hontiveros at Manny Pacquiao.
Batay sa revised penal code, ang paglabag sa Article 150 o “disobedience to summons” ay may katapat na parusang “arresto mayor” o pagkakabilanggo ng anim na buwan o kaya’y multa na papalo mula dalawang daan hanggang isang libong piso (o pareho) at pagkakakulong.
Sinabi ni Committee Chair Senator Vicente Sotto III na pagsasamahin ng panel ang mga reklamo at bibigyan si De Lima ng kopya.
Sinasabing bibigyan din ng labing limang (15) araw ang senadora para makapagsumite ng kanyang komento o reply hinggil dito.
By Jelbert Perdez