Pansamantalang ititigil muna ng European Union at Belgium ang pagbibigay ng pondo sa mga non-government organization sa bansa.
Ito ang inanunsyo ni AFP Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations Brigadier Gen. Antonio Parlade matapos makumbinsi ang EU at Belgium na huwag munang makibahagi sa pagpopondo ng mga NGOs sa Pilipinas na nagsisilbing front ng Communist Party of the Philippines.
Patuloy na rin aniya ang pangangalap ng karagdagang ebidensya para tuluyang maipatigil na ang pagbibigay ng pondo sa mga natukoy na NGOs kung saan itinatago lamang ang tunay na katauhan ng mga komunistang grupo.
Ipinabatid ni Parlade na may pitong organisasyon na ang nabigyan ng 3 million euros sa nakalipas na limang taon.
Truth caravan ng pamahalaan iginiit na ‘hindi junket’ ang naging byahe sa Europe
Iginiit ng delagasyon ng Pilipinas sa European Union na hindi junket ang ginawa nilang pagbyahe sa Europe o ang truth caravan nuong February 17 hanggang 20.
Ayon kay AFP Deputy Chief for Civil Military Operations Brigadier Gen. Antonio Parlade, hindi makatwirang tawaging junket ang kanilang truth caravan.
Kanila aniyang nilinaw lamang ang mga maling impormasyon na nakarating sa international community kaugnay sa involuntary disapperances at anti-communist terrorist group.
Dagdag pa ng opisyal, dahil sa naturang byahe ay nalinawan ang eu at napigilan ang pagpopondo sa mga non-government organizations na pang-front lang ng communist party of the Philippines.
Kabilang aniya rito ang Ibon Foundation, Karapatan at Kilusang Mayo Uno.