Isa ang Pilipinas sa 92 mga low at middle income na mga bansa na hindi kabilang sa ipinatutupad na ban ng European Union(EU) sa pag-aangkat ng COVID-19 vaccines.
Ito ang inihayag ng kinatawan ng EU sa Pilipinas, isang araw matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hino-hostage ng European Union ang mga bakuna kontra COVID-19 na likha ng mga bansang nasa Europa.
Ayon sa EU, nakapaloob sa kanilang authorization mechanism for exports ng bakuna kontra COVID-19 ang malawak na hanay ng mga hindi saklaw nito.
Ito ay upang matiyak na matutupad ang kanilang pangakong maihatid sa kanilang kapitbahay na bansa at 92 iba pang low at middle-income countries na kabilang sa COVAX facility ang bakuna.
Sinabi ng EU, sa pamamagitan ng COVAX facility, makatatanggap ang Pilipinas ng COVID-19 vaccines para sa 20% ng populasyon ng bansa kung saan inaasahang darating ang unang batch sa katapusan ng Pebrero.
Maliban dito, nakapagbigay na rin sila ng nasa €853 milyon bilang ayuda sa 92 low at middle income na bansa, kabilang ang Pilipinas, para magkaroon ng access ang mga ito sa COVID-19 vaccines.