Nilinaw ng Department of Health (DOH) na pinag-aralan ng mga eksperto sa bansa ang datos ng Sputnik V COVID-19 vaccine ng Russia bago naaprubahan ang emergency use authorization (EUA) nito.
Una rito, iniulat ng Agence France Presse na hindi pa rin nabibigyan ng EUA ng World Health Organization (WHO) ang nasabing bakuna.
Paliwanag ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, wala aniyang dahilan upang ihinto ang paggamit ng naturang bakuna sa bansa kahit hindi pa ito aprubado ng WHO.
Aniya, may kalayaan ang Pilipinas na magturok ng bakuna na nais nito basta pumasa ito sa Philippine Food and Drug Administration (FDA).
Binanggit ni Cabotaje ang kaso ng Sinovac kung saan hindi ito agad na napagkalooban ng EUA ng WHO.
Sa ngayon, tanging ang mga bakuna ng Pfizer-Biontech, Astrazeneca, Serum Institute of India, Janssen, Moderna, Sinovac, at Sinopharm vaccines ang kabilang sa listahan ng WHO na may emergency use.