Kinumpirma ng Department of Health o DOH na naipalabas na ng Food and Drug Administration o FDA ang Emergency Use Authorization (EUA) para sa bivalent vaccines ng Moderna at Pfizer kontra COVID-19.
Sa isang ambush interview, natanong si Health Officer-in-Health Maria Rosario Vergeire kung naipalabas na ang nasabing EUA.
Sinagot naman ito ni Vergeire at sinabing noong nakaraang linggo pa nailabas ang dokumento para sa mga bakuna ng Moderna at Pfizer.
Ang Health Technology Assessment Council o HTAC na nagpapayo sa DOH tungkol sa mga bakuna kontra COVID-19, ay nagbigay na rin ng pag-apruba nito.
Matatandaang una rito, sinabi ng DOH na target nilang sa unang bahagi ng 2023 bumili ng naturang bakuna dahil hinihintay pa ang EUA para dito.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa mga supplier para sa pangalawang henerasyong COVID-19 na mga bakuna o bivalent vaccine, na nagpoprotekta sa mga indibidwal mula sa variant ng Omicron.