Doble ang hirap ngayon ng mga local government units (LGUs) sa pamamahala ng mga evacuation sites para sa libu-libong inilikas dahil sa Bagyong Ambo dahil sa pangamba na kumalat ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa Albay, tumulong na ang mga simbahan sa pagkanlong ng evacuees kung saan isang upuan ang pagitan ng bawat evacuee sa kanilang pagtulog sa mga upuan ng simbahan.
Sa ngayon, sinabi ni Cedric Daep, disaster chief ng Albay, na may magagamit pang relief goods ang mga evacuees dahil nadala naman nila ang kakabigay pa lamang na ayuda para sa COVID-19 quarantine.
Maging sa Camarines Norte ay gumamit na rin ng relief goods na para sa quarantine para sa may 15,000 kataong inilikas dahil sa Bagyong Ambo.
Nasa 15 katao naman ang inilalagay ng Camarines Norte sa bawat kwarto sa evacuation site upang ma-obserbahan ang social distancing.