Tiwala ang Food and Drug Administration na matatapos nila sa loob lamang ng tatlong linggo ang pagsasagawa ng ebalwasyon sa kaugnay sa pagtuturok ng Booster dose sa mga 5 to 11 years old.
Pero paglilinaw ni FDA OIC Director General Oscar Gutierrez, sa ngayon, nakaantabay parin sila kaugnay sa mga maaring magsumite ng aplikasyon ukol dito.
Hanggang sa kasalukuyan kasi ani Gutierrez wala pa silang natatanggap na aplikasyon upang maisalang na sa kanilang pag-aaral.
Giit ng FDA official, basta’t may magsumite na ngayon ng aplikasyon, tiyak aniyang kakayanin nila itong maaprubahan bago bumaba sa pwesto si Pang. Rodrigo Duterte.
Ani Gutierrez, mabilis lamang kanilang evaluation process lalo na’t katuwang nila sa pagsasagawa nito ang mga vaccine expert ng bansa.