Ipinag-utos na ng National Telecommunications Commission sa mga telecommunication company na abisuhan ang kanilang mga subscriber sa natitirang balanse sa prepaid ng mga ito, kada araw.
Ayon kay NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, layunin ng memorandum circular na ilalabas sa Hunyo o Hulyo na maresolba ang issue ng nawawalang load.
Batay sa datos ng ahensya noong 2017, umabot sa 167 ang reklamo kaugnay sa hindi maipaliwanag umanong pagkawala ng prepaid load.
Pumutok ang isyu ng mga nawawalang load sa prepaid mobile sim cards noong 2009 matapos ireklamo ni dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology, naungkat ang issue sa nawawalang load na madalas umanong “nakakain” dahil sa mga promo, ring tone, games at iba pang iniaalok na gimik ng telco.