Posible pa ring hindi mapasama sa mga mabibigyan ng pardon at mapalaya si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Nilinaw ni Justice Undersecretary at Department of Justice (DOJ) spokesman Mark Perete na kung mapapatunayang may mga paglabag si Sanchez habang nakabilanggo ay hindi na sya kwalipikado sa mga mababawasan ng sentensya sa ilalim ng good conduct time allowance.
Ayon kay Perete, habang pinag-uusapan ang hinggil sa posibleng paglaya ni Sanchez ay wala pa rin namang report mula sa Bureau of Corrections na makakalaya na si Sanchez.
Maaari anyang matagalan pa ito dahil konti lamang ang tauhan ng Bureau of Corrections na nag-eevaluate sa 11,000 preso na puwede nang mabigyan ng parole.
Ipinaliwanag ni Perete na naging eligible sa parole si Sanchez kahit pitong life sentence ang sentensya dito dahil simultaneous service of life sentence ang naging desisyon ng hukuman.
Ibig anyang sabihin, ang bawat isang taon ni Sanchez sa kulungan ay katumbas na ng pitong (7) taon.