Inisyuhan na ng subpoena at binantaang ipapaaresto ng Senado si dating Commission on Elections o COMELEC Chairman Andres Bautista.
Ito’y dahil bigo na namang sumipot si Bautista sa itinakdang pagdinig ng Senate Committee on Banks ukol sa posibleng paglabag sa anti-money laundering law may kaugnayan sa umano’y mga bank accounts nito sa Luzon Development Bank.
Sa inilabas na subpoena ng nasabing komite na pinamumunuan ni Senator Francis Escudero, inaatasan si Bautista na dumalo sa susunod na hearing na itinakda sa Pebrero 12.
Sakaling hindi pa rin sumipot si Bautista ay binalaan ito ni Escudero na ipapa-contempt o kaya naman ay ipapaaresto.
Hiniling na rin ni Escudero sa Bureau of Immigration o BI na bigyan ang komite ng lahat ng impormasyon may kaugnayan sa travel o biyahe ni Bautista sa ibang bansa simula August 1, 2017 hanggang ngayon.
Ayon kay Escudero, simula nang umpisahan nila ang pagdinig sa isyu, pinadalhan nila ito ng imbitasyon sa tatlo nitong address, pero lagi itong hindi sumisipot, na walang ibinibigay na anumang rason at ipinapadalanmg kinatawan sa kabiguang pagdalo nito sa pagdinig.
Ulat ni Cely Bueno