Naghain ng not guilty plea sa Sandiganbayan si dating Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala.
Binasahan ng sakdal si Alcala sa 5th Division ng Sandiganbayan kaugnay ng di umano’y monopolisasyon ng bawang mula 2010 hanggang 2014.
Hindi naman natuloy ang pagbasa ng sakdal sa mga kapwa akusado ni Alcala dahil sa mga mosyong nakabinbin pa sa anti-graft court.
Bukod kay Alcala, akusado rin sina dating Bureau of Plant Industry Director Clarito Barron, dating National Plat Quarantine Services Division Chief Luben Marasigan, kasalukuyang NPQSD Head Merle Palcpac at 20 pribadong indibidwal.
Matatandaan na tumaas sa P260 hanggang P400 ang kada kilo ng bawang nong 2010 hanggang 2013 mula sa dating P165 hanggang P170 ang kilo matapos na di umano’y ma-monopolya ng Philippine Vegetable Importers, Exporters, Vendors Association (VIEVA) ang pag-angkat ng bawang.
Matatandaan na batay sa imbestigasyon ng Ombudsman, mahigit sa 8,000 import permits na inisyu ng pamahalaan mula 2010 hanggang 2014 ang napunta sa VIEVA.