Patay si dating Budget Secretary at Camarines Sur 1st District Rep. Rolando “Nonoy” Andaya Junior matapos umanong magbaril sa ulo kahapon ng umaga.
Kinumpirma ng magkapatid na Ranton at Katrina Andaya ang pagkamatay ng kanilang ama pero tumangging magbigay ng pahayag ang mga ito at umapela ng pang-unawa sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.
Isang putok ng baril ang narinig sa kwarto ng 53 anyos na biyudo sa bahay nito Saint Jude Orchard Subdivision sa Concepcion Grande, Naga City.
Ayon kay Capt. Antonio Per, Jr. Acting Commander ng Naga City Police – Station 2, natagpuan ang dating kongresista ng personal assistant nitong si John Mark Patrick Senar, na duguang nakahandusay dakong ala-7 ng umaga.
Inaalam na ng pulisya kung nagpatiwakal si Andaya o nagkaroon ng foul play lalo’t noong isang taon ay tinangka itong tambangan sa bayan ng pili subalit nakaligtas.
Nobyembre naman nang nagbalak si Andaya na kumandidato muli bilang kongresista pero umatras at sa halip ay tumakbo sa pagka-gobernador pero natalo kay Luigi Villafuerte na anak ng kanyang matinding katunggaling si Congressman Lray Villafuerte.
Bukod sa pagiging kongresista, nagsilbi si Andaya bilang Budget Secretary mula 2006 hanggang 2010 sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nabiyudo si Andaya matapos pumanaw noong 2020 ang kanyang maybahay na si dating Congresswoman Marissa Mercado-Andaya dahil sa cancer. —sa ulat ni Melvin Machado (Ronda Patrol – CamSur)