Ipinauubaya na ni dating Foreign Secretary Albert del Rosario sa publiko ang paghuhusga makaraang isisi ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin sa Aquino at Arroyo administrations ang passport data breach sa Department of Foreign Affairs.
Magugunitang isiniwalat ni Locsin na tinangay ng dating passport manufacturer ng DFA ang datos ng mga passport holder kaya’t kinailangang magsumite muli ang mga aplikante ng birth certificate bilang proof of identity kapag nag-renew.
Sa kabila ng mga bintang, kumpiyansa si Del Rosario na masosolusyonan ng DFA sa ilalim ng pamumuno ng kasalukuyang kalihim na si Locsin ang problema sa passport.
Una ng isiniwalat ni dating Foreign Secretary Perfecto Yasay na nagsimulang lumala ang problema noon pang panahon ng Aquino administration subalit nabigo siyang magpatupad ng mga hakbang dahil sa posibleng passport backlog.
Pagsasampa ng kaso, kinatigan ni Vice President Robredo
Kinatigan ni Vice President Leni Robredo ang panawagang sampahan ng kaso ang dating passport manufacturer ng department of foreign affairs na tumangay umano sa datos ng mga passport holder.
Ayon kay Robredo, nakatatakot ang pagsisiwalat ni foreign affairs secretary teddy locsin na tinangay ang mga impormasyon na dapat ibalik ng contractor sa lalong madaling panahon.
Hindi rin aniya itong masolusyonan agad lalo’t libu-libong overseas Filipino worker ang maaaring maapektuhan.
Una nang inihayag ng National Privacy Commission na kanilang iimbestigahan ang passport data breach at pagpapaliwanagin ang mga DFA official at hindi pa pina-pangalanang passport contractor.