Umaani ngayon ng pagbatikos mula sa netizens ang nangyari noong March 22, kung saan pinigil daw ni Rep. Janette Garin ng 1st District ng Iloilo ang paglipad papuntang Manila ng 5 medical technologist mula Iloilo na dapat naka-schedule mag-training sa COVID-19 testing.
Kung tutuusin, alam naman anila ni Garin, bilang isang doctor at dating Health Secretary kung ano ang tamang gawin sa gitna ng pandemic.
Sa gitna ng krisis ngayon sa bansa dala ng COVID-19, iminungkahi ng ilang grupo na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng gobyerno para makapagpatayo ng dalawang accredited COVID-19 testing centers sa Iloilo.
Ito ang gustong maiambag ng mga medical professionals kasama ang grupong iAmUPHi, mga taga-UP Visayas (UPV), West Visayas State University (WVSU), Philippine Science High School Western Visayas, at iba pang stakeholders.
Ang dalawang testing centers ang magsisilbi sa buong Western Visayas. Malaking tulong ito para hindi na kailangan ipadala pa ang mga specimen para ma-test sa COVID-19 sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Manila.
Kinailangan na lang maging accredited ang mga ito ng DOH. Para dito, dapat ay magpadala ng mga medical technologists para mag-training sa RITM.
Sa tulong ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas napagpasyahan na ang gagawing COVID-19 testing ceters ay ang Western Visayan Medical Center (WVMC) and WVSU-MC Western Visayas Sate University Medical Center (WVSUMC) dahil may kagamitan na ang mga ito. Kulang na lang ay ang makapag-training ang mga med tech nila sa RITM.
Napagpasyahan na magpadala ng dalawang medtech galing WVMC at 3 medtech mula WVSUMC sa Manila para sa 3 araw na training sa RITM.
Ayon sa medical professionals, kailangan ng bansa ng maraming med tech na bihasa sa COVID-19 testing dahil buong Western Visayas ang pagsisilbihan ng mga lab.
Nataon daw na walang commercial flights kaya nag-request si Iloilo City Mayor Jerry Treñas ng tulong mula sa negosyanteng si Alfonso Tan.
Si Tan naman ay agad na nagpahiram ng kanyang private plane para sa grupo at nakatakda sanang lumipad patungong Maynila ang 5 med tech noong March 22.
Nabigyan naman agad ng flight clearance ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Office of Civil Defense para sa nasabing flight sa tulong ni Presidential Consultant for Western Visayas Jane Javellana.
Gayunman, nagulat na lamang daw sila nang biglang nagbago ang mga detalye ng nasabing flight at nang magpunta ang dalawang med tech galing WVMC na sina Cecille Resol at Kathleen Torilla sa airport, sinabihan umano sila na kasama nila sa eroplano si Rep. Garin na galing sa Manila at pabalik rin sa araw na iyon.
Si Garin ay dumating sa Iloilo kasama ang mga taga-RITM na tumingin sa WVMC laboratory.
Sinabihan rin ang mga med tech na ang naka-schedule nilang 2PM flight ay magiging 4PM na dahil kailangan nilang hintayin si Garin.
Pero nag-atubili ang mga med tech na sumama kay Garin dahil ang Kongresista ay galing ng Manila, kung saan may mga kaso na rin ng COVID-19 at base sa protocol, si Garin ay dapat naka-quarantine at hindi dapat gumala sa Iloilo.
Itinanggi naman ni Garin ang akusasyon na isang “hijack” ang nangyari dahil naunsyami ang planong training ng mga med tech.
Sa panig naman ni Javellana, nagpahayag ito na baka raw nasa parte ni DOH Region 6 Director Marlyn Convocar ang dahilan ang buliyaso.
Sinabi ni Javellana na hindi raw sila na-update ni Convocar na lilipad din papuntang Manila ang staff ni Iloilo City Rep. Julienne “Jam” Baronda.
Naniniwala si Javellana na posibleng ito ang dahilan kung bakit di na pinayagan ng CAAP na makalipad ang ibang med tech.
Kinundena naman ni Bencyrus Ellorin, convenor ng grupong Pinoy Aksyon for Governance and Environment (Pinoy Aksyon) ang aniyay tila pagsasamantala at pamumulitika ni Garin sa panahon ng krisis.