Sinampahan ng kasong graft ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan si dating tourism secretary Ace Durano dahil sa maanomalya umanong 2.7 million peso wall calendar noong 2008.
Kinasuhan din sina Undersecretary Oscar Palabyab, Grace Yoro, Eduardo Jarque Junior, Evelyn Cajigal at Adriana Flor na nagsilbi sa Bids and Awards Committee o BAC ng Department of Tourism.
Ayon sa Ombudsman, nagsabwatan umano ang mga nasabing opisyal sa pagbibigay pabor sa PDP Digital Incorporated para sa “dot wall calendar” sa taong 2009 dahil sa kawalan ng bidding.
Pinasok umano ni Durano ang isang memorandum of agreement noong October 17, 2008 at sa halip na BAC resolution na patunay sa alternatibong mode of procurement, nag-issue ang dating kalihim ng certification noong December 2, 2008.
Lumagda rin umano ang BAC ng resolusyon noong November 2008 para sa direct contracting procurement nang walang public bidding o industry survey.
(with report from Jill Resontoc)