Naglabas ng sama-samang pahayag ang mga dating kalihim at iba pang dating opisyal ng Department of Social Welfare and Development laban sa panukalang ibaba ang edad ng mga batang dapat panagutin sa krimen.
Tinukoy sa joint statement ang natutuklasang dahilan ng mga social workers kung bakit nasasangkot sa krimen ang mga bata.
Karamihan anila ay dahil sa kahirapan, kapabayaan ng magulang, peer pressure at marami pang iba.
Binigyang diin sa joint statement na ang mga batang nakakagawa ng krimen ay karaniwang biktima ng pang-aabusong pisikal, sekswal at emosyonal, karaniwang hindi nag-aaral at nakatira sa mga lugar na laganap ang krimen.
Ang panukala anilang ibaba sa siyam o dose anyos ang edad ng batang dapat managot sa krimen ay walang basehan sa developmental science o Psychology kayat hindi katanggap-tanggap.
Sa halip, hinikayat ng mga dating kalihim at opisyal ng dswd ang pamahalaan na palakasin ang pagpapatupad sa umiiral nang batas kung saan kinse anyos ang simula ng edad na pinapanagot sa krimen.
Ang joint statement ay nilagdaan ng mga dating kalihin ng DSWD na sina Dinky Soliman, Esperanza Cabral, Lualhati Pablo, Celia Yangco, Corazon Alma de Leon at ilang dating undersecretaries at direktor ng DSWD.