Naglatag ng 10 hakbangin ang dating government adviser sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) para mapabagal ang hawahan ng coronavirus sa gitna na rin nang patuloy na pagsirit ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Tinaguriang “blue print for change”, kabilang sa mga panukala ni Leachon, ang noon pa’y isinusulong niyang pagpapalakas sa kapasidad sa mass testing, contact tracing at pagtatayo ng isolation at quarantine facilities.
Iginiit ni Leachon ang 100,000 COVID-19 test kada araw at pagpapalakas din ng contact tracing.
Isinulong din ni Leachon ang konstruksyon ng field o satellite clinics o paggamit sa mga empty building para makahinga ang mga ospital, pagtatayo ng command center para sa COVID-19 at non-COVID cases, mabilis na paglalatag ng vaccination program sa Metro Manila at iba pang COVID-19 hotspots
Bukod pa ito aniya sa pagpapaigting sa data management and science-based projections, pagpapalakas ng kapasidad sa telemedicine at pagbuo ng protocols para sa mild COVID-19 patients at pagkakaroon ng stockpile coronavirus treatment para sa home care at hospital patients.
Una nang tinukoy ni Leachon ang bigong response ng mga lider ng bansa ang dahilan nang lumalalang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.