Nagpiyansa ng P30,000 si dating Laguna Governor ER Ejercito para sa kasong graft.
Ito’y makaraang ipag-utos ng Sandiganbayan Fourth Division ang pag-aresto kay Ejercito kahapon dahil sa kabiguang dumalo sa arraignment.
Una nang sinabi ng abogado ni Ejercito na naka-confine ang kanyang kliyente sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City dahil umano sa sakit na pneumonia.
Nagprisinta rin ito ng medical certificate ng dating gobernador, subalit hindi ito tinanggap ng Anti-Graft Court.
Nag-ugat ang kasong graft laban kay Ejercito dahil sa maanomalyang pagpasok sa isang insurance deal noong taong 2008, noong siya ay alkalde pa sa Pagsanjan, Laguna.
Zenaida Ducut
Samantala, nagpiyansa naman si dating Energy Regulatory Commission Chairperson Zenaida Ducut sa Sandiganbayan 3rd Division para sa kasong graft at malversation may kaugnayan sa pork barrel fund scam.
Kabuuang P140,000 ang inilagak na piyansa ni Ducut.
Ang P60,000 ay para sa two counts of graft at ang P80,000 ay para naman sa two counts of malversation of public funds.
Tumanggi naman si Ducut na magpa-interview sa media.
By Meann Tanbio | Jill Resontoc (Patrol 7)