Tinangka umanong aregluhin ni dating Land Transportation Office (LTO) Chief Virginia Torres sa Bureau of Customs (BOC) ang tone-toneladang asukal na ipinuslit mula sa bansang Thailand.
Batay sa ulat ng pahayagang Inquirer, kinumpirma ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Jessie Dellosa na nagpunta si Torres sa kanilang tanggapan noong Agosto 20.
Nakiusap umano si Torres na palusutin na lamang ang mga asukal na lulan ng 64 na shipping containers na nagkakahalaga ng P100 milyong piso.
Ipinaraan umano ni Torres sa mga dummy na kumpaniya ang mga misdeclared na kontrabando kaya’t wala itong import permit mula sa Sugar Regulatory Administration o SRA.
Ang masaklap ayon kay Dellosa, ginamit pa umano ni Torres ang pangalan ni Pangulong Noynoy Aquino at sinabing gagamitin sa eleksyon 2016 ang mga perang mapagbebentahan ng mga nasabing asukal.
Ngunit kapwa nanindigan sina Dellosa at Customs Enforcement Security Services Chief Willie Tolentino na hindi nila palulusutin ang mga nasabing kargamento dahil kabilang ito sa 120 container vans na kanilang binabantayan may limang buwan na ang nakalilipas.
Grupo ng mga sugar millers nabahala
Ikinabahala naman ng Sugar Alliance of the Philippines ang tangkang pag-areglo ni dating LTO Chief Virgie Torres sa mga puslit na asukal mula sa Thailand.
Ayon kay Manuel Lamata, Chairman ng SAP nakaaalarma ang ginawa ni Torres lalo’t isinasangkalan pa nito ang pangalan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Kinumpirma rin ni Lamata na may ilang opisyal ng gobyerno na ginagamit ang kanilang posisyon para magsilbing power broker sa Customs.
Kasunod nito, nagbabala ang SAP na posibleng magkaroon ng epekto sa lokal na merkado sa sandaling maipalabas ang mga ipinuslit na asukal.
Sinabi ni Lamata, di hamak na mas mura ang mga asukal mula sa Thailand kaya’t tiyak aniyang ito ang bibilhin ng mga mamimili.
By Jaymark Dagala