Walang basehan at bunga lang ng maduming pulitika itinuturing ng kampo ni dating Manila Mayor Alfredo Lim ang pagsasabit sa kaniyang pangalan sa kasong katiwalian na nakasampa sa tanggapan ng Ombudsman.
Sinabi ni Atty. Renato dela Cruz, abogado ni Lim, na ang panahong sinasabing kumita ng P200 milyong piso ang Tokogawa mula 2013 hanggang ngayon ay hindi naman ito kinolekta ng administrasyon ni Lim kundi ng kasalukuyang administrasyon ni Manila Mayor Joseph Estrada, bise na si Isko Moreno at ng city council.
Nabatid na nag-operate lamang ang Tokogawa noong Hunyo 2013 sa Binondo area at nagpalit na ng pamunuan dahil Hulyo 1, 2013 ay nakaupo na si Estrada.
Ang City Council of Manila na pinamumunuan ni Moreno bilang presiding officer ang nagpasimula sa kontrata.
Pinagtibay ito noong Mayo 3, 2011 sa resolution no. 107 na nag-aatas kay Lim na pumasok sa kontrata upang ayusin at gawing modern ang parking system sa pamamagitan ng paglalagay ng parking meters sa Chinatown, Binondo at Divisoria.
By Mariboy Ysibido