Tatlo ang patay kabilang ang dating alkalde ng Lamitan City, Basilan matapos pagbabarilin ng isang lalaki sa gitna ng graduation ceremony ng Ateneo Law School sa Katipunan Avenue, Quezon City, kahapon.
Kinilala ang mga biktimang sina Rosita Furigay, dating mayor ng Lamitan; Victor George Capistrano, Executive Assistant ni Furigay at Jeneven Bandiola, isa sa mga security guard ng Ateneo De Manila University.
Ayon kay PNP – Public Information Officer (PIO) Chief, Brig. Gen. Roderick Augustus Alba, dalawa naman ang sugatan sa insidente kabilang ang anak na babae ni Furigay na si Hannah, 25 anyos.
Dadalo anya sana si Furigay sa graduation ceremony ng anak nang pagbabarilin ng suspek na si Dr. Chao Tiao Yumul habang naglalakad sa lobby ng isa sa mga gusali ng paaralan, pasado alas-3 ng hapon.
Inihayag ni Quezon City Police District Director, Brig. Gen. Remus Medina na sunod na binaril ni Yumul si Capistrano at Bandiola matapos nitong tangkaing pigilang makatakas ang suspek.
Gayunman, nakalabas si Yumul ng campus dala ang sasakyang ninakaw nito malapit sa paaralan at nagkaroon pa ng habulan hanggang ma-corner ang suspek sa Aurora Boulevard, Cubao.
Batay sa imbestigasyon, personal ang motibo ng suspek sa pamamaslang.