Hindi dapat mapunta sa maling kamay ang naluging Hanjin Philippines sa Subic, Zambales.
Ito ang inihayag ni dating Philippine Navy Chief Alexander Pama, isang araw matapos magkaroon ng interes ang ilang dayuhang kumpanya kabilang ang dalawang Chinese shipbuilding company na mag-invest sa Hanjin Philippines.
Ayon kay Pama, dapat mapasakamay ng mga Filipino businessman ang operasyon ng Hanjin Philippines lalo ang shipyard nito sa Subic, Zambales, na ika-apat sa pinakamalaking shipyard sa mundo.
Hindi naman aniya sa negosyo o ekonomiya lamang nakatutok ang issue sa naturang kumpanya kundi isa rin itong national security issue.
Ipinunto ni Pama na kung mapupunta sa mga dayuhan ang operasyon ng Hanjin ay magkakaroon ang mga ito ng ‘unlimited access’ sa isa sa pangunahing strategic geographic naval at maritime asset ng Pilipinas.
Sa Subic bay matatagpuan ang dating pinakamalaking overseas naval facility ng Estados Unidos hanggang noong 1992.