Hindi sang-ayon si Dr. Tony Leachon, dating special adviser ng National Task Force Against COVID-19, na gawing “flexible modified enhanced community quarantine (MECQ)” ang quarantine status ng National Capital Region (NCR).
Paliwanag ni Leachon, nasa NCR ang pinakamalaking bahagi ng bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa at nananatili pa ring punuan ang mga ospital.
Wala aniya siyang nakikitang dahilan para bahagya na namang luwagan ang quarantine status ng rehiyon.
Medyo hindi ako sang-ayon doon sa ganoong klaseng pamamalakad kasi, dapat pagka-NCR ‘yan, isang lugar ‘yan nang kabuuan, e. Ang NCR isang estado. Ang NCR kasi, more than 50% of the cases sa buong Pilipinas nasa NCR. ‘Yan din ang business epicenter natin, eto rin ang ground zero at contagion ng bansa,” ani Leachon.
Giit ni Leachon, mas makabubuti kung unti-unti ang gagawing pagluluwag ng quarantine restrictions lalo’t limitado pa rin ang suplay ng bakuna ng bansa.
Dapat na gawin, slow and gradual ang pagbababa, lalo na limited ang ating vaccine supply,” ani Leachon.
Dagdag ni Leachon, magiging hilaw na naman ang hakbang na ito kung mamamadaliin nila ang pagsalba sa ekonomiya ng bansa at hindi kasi aniya uusad ang pilipinas kung hindi magkakaroon ng konkretong plano para tugunan ng maayos ang COVID-19 pandemic.
Ang mangyayari dito, hilaw na naman ‘to, tapos tataas na naman ang case after 2 weeks, tapos magsisisihan na naman tayo,” ani Leachon. —sa panayam ng Serbisyong Lubos sa 882