Ipinag-utos na ng Ombudsman ang pagsasampa ng kasong katiwalian sa Sandiganbayan laban kay dating Nueva Ecija Congressman Aurelio Umali dahil sa pagkakasangkot nito sa 15 milyong pisong PDAF scam.
Apat na kaso ng katiwalian at tatlong kaso ng malversation of public funds ang isasampa laban kay Umali dahil sa di umano’y illegal na pamamahagi ng kanyang PDAF allocation nuong 2005.
Maliban kay Umali, pinakakasuhan rin ang PDAF scam mastermind na si Janet Lim Napoles, Renato Manantan, Executive Director ng Department of Agriculture, Narcisa Maningding, Accountant ng DA gayundin sina Anita Tansipek at Corazon Bautista na kapwa mula sa NGO na Samahan ng Manininda ng Prutas sa Gabi Inc o Samahan.
Maliban sa mga kasong kriminal, sina Umali at Manantan ay napatunayan ring nagkasala ng grave misconduct, gross neglect of duty and conduct prejudicial to the best interest of the service.
Dahil dito, maliban sa pagsibak sa kanila sa puwesto at pag-ipit sa kanilang retirement benefits, habang-buhay na ring hindi puwedeng pumasok sa gobyerno sina Umali at Manantan.
By Len Aguirre | Jill Resontoc (Patrol 7)