Dapat na maghain ng kaso sa Ombudsman at sa korte laban sa sinibak na general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO na si Alexander Balutan.
Ito ang giit ni Senador Sherwin Gatchalian makaraang sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang opisyal ng PCSO dahil umano sa katiwalian.
Karapatan aniya ng pangulo na alisin ang sinumang tiwaling manggagawa ng gobyerno upang matigil ang maling uri ng gawain.
Binigyang diin din ni Gatchalian na mahalagang makasuhan si balutan upang hindi na maulit pa ang ginawa umano nitong katiwalian at upang hindi mawalan ng saysay ang hakbang na ginawa ng pangulo.
Matagal na dapat aniyang pinalitan ang general manager ng PCSO ng isang opisyal na mas may puso para sa mga mahihirap na kababayan.
“Ang kasunod niyan ay kaso. Definitely yung mga ganitong aksyon ay proseso ‘yan eh. Prerogative ng ating pangulo na tanggalin ang isang kawani ng gobyerno para maihinto yung ginagawang mali. Ang kasunod dapat ay kaso, at iyan rin po dapat i-file sa Ombudsman at pwede rin po i-file sa mga ibang korte natin.” Pahayag ni Sen. Gatchalian.
interview from Usapang Senado
Ex-PCSO GM Balutan mariing tinutulan ang pahayag ng Palasyo
Mariing tinutulan ng dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO na si Alexander Balutan ang naging pahayag ng Malakanyang na sinibak ito sa pwesto dahil sa umano’y korupsyon.
Ginunita ni Balutan ang kanyang pinangako sa lahat ng empleyado ng PCSO nang siya ay maluklok bilang general manager nito noong 2016.
Ayon kay Balutan, magbibitaw sya sa kanyang pwesto oras na atasan siya ng sinuman mula sa Malakanyang o Kongreso na gumawa ng isang bagay na hindi nya masisikmura.
Gayunman, walang naging tugon si Balutan nang tanungin sya kung mayroon bang ganoong nabanggit na pangyayari dahilan para magbitiw sya sa kanyang pwesto.
Tikom din si Balutan sa mga alegasyong ibinabato sa kanya kaungay sa umano’y korupsyon sa kanyang administrasyon sa PCSO ngunit binigyang diin nito na nagbitiw sya sa kanyang pwesto upang mapanatili ang kanyang integridad.