Nagpahayag ng pasasalamat si Pampanga 2nd district rep. at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos nitong lagdaan ang Republic Act No. 11977 na magtatatag ng Pampanga State Agricultural University (PSAU) sa Floridablanca, Pampanga.
Para kay Rep. Arroyo, patunay ang mabilis na pag-apruba ni Pangulong Marcos sa naturang batas sa commitment nitong maghatid ng quality higher education para sa mga Pilipinong mag-aaral at magbigay ng magandang buhay para sa mga magsasaka.
Aniya, malaking tulong ang PSAU–Floridablanca Campus sa anim na bayan sa kanyang distrito dahil pagsasaka ang kanilang pangunahing hanapbuhay. Positibo siyang lalaki ang kita ng mga residente dito dahil sa access sa makabagong teknolohiya at research mula sa mga mag-aaral.
Mag-aalok ang PSAU–Floridablanca Campus ng short-term, technical-vocational, undergraduate, at graduate courses na nakatuon sa agrikultura. Magsasagawa rin ito ng research at extension services at production activities na susuporta sa socioeconomic development ng lugar.